Enrollment para sa Phil. ID System, tiniyak ng PSA na matatapos

Tiniyak ng Philippine Statistics Authority (PSA) na maaabot nila ang target na makumpleto ang enrollment para sa Philippine ID sa kalagitnaan ng 2022.

Sinabi ni National Statistician and Civil Registrar Undersecretary Dennis Mapa, na wala naman silang nakikitang anomang posibleng pagkakaantala upang matapos ang pagpapatala ng mga kuwalipikadong mapagkalooban ng National ID.

Kahapon ay nagsagawa na ng pilot test registration sa isang maliit na grupo sa National Capital Region (NCR), na kinabibilangan ng ilang mga benepisyaryo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), empleyado ng PSA at National Economic and Development Authority (NEDA).

Magtatagal ang pilot test registration ng hanggang June 2020, na kung saan, ang unang bahagi ay may kinalaman sa biometric at demographic capturing processes.

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Identification System Act isang taon ang nakakaraan, na layong mapaikli ang mga ginagawang transaksiyon sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.