Employees ng Kamara na nasa A3 category, mababakunahan na ngayong buwan

Naisapinal na ng Kamara ang listahan ng mga empleyado nito, na kabilang sa A3 priority group o yung may comorbidities.

Batay sa memorandum na ibinaba ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza, ang naturang mga empelyado ay kailangan magsumite ng medical clearance bilang bahagi ng assessment ng mga doctor na magsasagawa ng pagpapabakuna.

Ang naturang medical clearance ang magsisilbing katibayan mula sa evaluating doctor, na ang indibidwal ay malusog at maaaring bakunahan.

Ngayong buwan sisimulan ang inoculation sa House employees na kabilang sa A3 category, ngunit wala pang eksaktong petsa.

Ang bakunang Coronavac na gawa ng Chinese firm na Sinovac Biotech, ang gagamiting bakuna para sa A3 House employees.

Bukod pa ito sa biniling 60,000 doses ng Novavax, na inaasahang darating naman sa June o July.