Emergency Operations Center ng Davao Oriental, naka-active na

Naka-standby na at naka-monitor ang Emergency Operations Center ng Davao Oriental, bago ang inaasahang pag-landfall ng bagyong Crising ngayong gabi o bukas ng umaga.

Una nang nagsagawa ng teleconference hinggil sa Pre-Disaster Risk Assessment ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) Davao Oriental kasama ang Philippine Army, Philippine National Police, Philippine Coastguard, Bureau of Fire Protection, Provincial Engineer’s Office, Provincial Social Welfare and Development Office, at Department of the Interior and Local Government.

Samantala, itinaas na sa Blue Alert Status ang buong probinsiya, kung saan naka-preposition na ang lahat ng rescue unit maging ang mga rescue equipment at food packs.

Siniguro naman ng PDRRMC ang pakikipag-ugnayan sa mga munisipalidad at barangay, bilang paghahanda sa posibleng pinsala na hatid ng bagyo.

Una nang isinailalim sa Tropical Cyclone Storm Signal no.2 ang bayan ng Boston, Cateel, at Baganga, habang signal no. 1 naman ang iba pang bayan sa probinsiya.