Emergency loan ng SSS, handa na para sa member-borrowers na apektado ng ‘shutdown’ sa Boracay

Handa nang tumanggap ng aplikasyon ang state-run na Social Security System (SSS) para matulungan ang mahigit sa 11,000 manggagawa, na kabilang sa nawalan ng trabaho sa Boracay closure noong April 26.

Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel Dooc, handa na ang kanilang ’emergency loan’ umpisa ngayong araw (May 2) hanggang sa October 31 ng kasalukuyang taon.

Sabi ni Dooc, P111.61-M ang inilaan na pondo ng ahensya sa kanilang Emergency Loan Assistance Program (ELAP), kung saan maaaring umutang ng P1,000 hanggang P16,000 o depende sa buwanang salary credit ng isang member-borrower.

Paliwanag pa ng opisyal na maaaring bayaran ang loan sa loob ng tatlumput-dalawang buwan kasama na ang walong buwan na moratorium period.

Hindi na rin papatungan ng SSS ng 1% ang loan amount para sa service fee,  kaya’t makukuha nang buo ang emergency loan.

Pinapayuhan naman ang mga interesadong miyembro na makipag-ugnayan sa mga tanggapan ng SSS Service Office sa Manoc-Manoc, Aklan o di kaya ay sa One-Stop Shop ng iba’t ibang government agencies na nasa Caticlan Jetty Port. | via Shane Juan