Emergency landing ng military helicopter kahapon, iniimbestigahan ng Phil Air Force

Naglunsad na ng imbestigasyon ang Philippine Air Force sa nangyaring emergency landing kahapon ng kanilang Sokol Helicopter na may sakay na walong sibilyan, sa Crow Valley, Tarlac.

Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo pagkatapos ng insidente na ikinasugat ng piloto at co-pilot ng chopper.

Gayunman, sinabi ni Arevalo na nasa ligtas nang kalagayan ang lahat ng sakay ng bumagsak na helicopter at nabigyan naman ang mga ito ng first aid.

Ang mga sugatang pasahero at crew ng naturang chopper ay agaran ding inilipad ng Air Ambulance sa Clark City Hospital at sa Philippine Army Training and Doctrines Command, kung saan sila nagpagamot.

Kabilang sa mga sugatan sina House Deputy Speaker at COOP-Natcco Partylist Rep. Anthony Bravo, dating House Secretary General Atty. Cesar Pareja, at Sergeant at Arms ng Commission on Appointments sa Kamara at Senado na si Col. Arthur Baybayan.

Papunta sana ang mga ito sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Legislative Stakeholders Engagement sa naturang lugar nang mangyari ang insidente.

Masuwerte namang nakaligtas sa naturang aksidente si Senador Ralph Recto na kabilang din ang pangalan sa manifesto ng naturang helicopter. | ulat ni Leo Sarne