Emergency hiring ng dagdag na health workers, inirekomenda ng IATF

Kailangan ng pamahalaan ng dagdag na health workers gaya ng doktor, nurses, at iba pang personnel, na magiging kabahagi ng mga nasa medical field na tumitingin sa mga pasyenteng may coronavirus disease (COVID-19) at mga person under investigation (PUI).

Ayon kay Inter Agency Task Force (IATF) Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, nasa balikat ng Department of Health (DOH) ang paghahanap at pagtanggap ng kinakailangang frontliners, sa gitna na rin ng nagpapatuloy pa rin krisis tungkol sa coronavirus.

Ganunpaman, sinabi ni Nograles, na subject pa rin sa evaluation ng Department of Budget and Management (DBM) ang hirit para sa hiring ng additional medical personnel.

Hindi naman nabanggit ng IATF spokesperson kung ilan ang nirekomenda nilang posibleng maging opening, para ma-aplyan ng mga kuwalipikadong applicant para maidagdag sa manpower ng bansa.

Sa harap na rin ito ng walang deployment ban, na ipatutupad sa hanay ng mga doktor at nars, ganundin sa iba pang medical health professional na nakapirma na ng kontrata as of March 8, 2020.

Papayagan aniya ang mga itong makaalis,  ngunit kailangan lang nilang lumagda sa deklarasyon na batid nila ang mga panganib sa paglipad papunta sa ibang bansa.