Emergency assistance na 911 hotline, tiniyak na mas maayos na ngayon – DILG

Umapela ngayon si Department of Interior and Local Government OIC Secretary Eduardo Año sa publiko na maging responsable sa paggamit ng 911 hotline ng pamahalaan.

Kasunod nito ang pagtiyak ng DILG chief sa publiko na magiging maayos na ang emergency assistance services lalo na sa usapin ng crime prevention, public order, at public safety.

Dapat daw na iwasan na ang mga panlilinlang na tawag at prank calls sa 911.

Kamakailan lamang ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 56 na pinatitibay ang 911 bilang nationwide emergency answering system kapalit ng Patrol 117.

Sinabi ni Año, may walong emergency call centers sa buong bansa na mayroong 169 manpower na tumatanggap ng 911 emergency calls.

Pinakamalaking emergency call center ay nasa Metro Manila at sinundan ng Cebu na parehong pinangangasiwaan ng DILG.

Mayroon ding 911 system sa Davao City na itinatag ni Pangulong Duterte noong ito ay alkalde pa.

Ang anim na iba pang emergency call centers ay pinangangasiwaan ng local government units na matatagpuan sa Bataan, Tarlac, Ilocos Norte, La Union, Puerto Princesa at Parañague City.  | ulat ni Rey Ferrer