Ellen Adarna, sinampahan na ng kaso ng pamilya ng menor de edad na inakusahan niyang nag-ala-Paparazzi sa kanya; Ryan Reynolds, sinorpresa ang mga fans sa Korea

Nahaharap ngayon sa kasong cyberlibel at child abuse ang aktres na si Ellen Adarna. Ito’y kasunod na magsampa ng reklamo kahapon sa Pasig City Prosecutor’s Office ang pamilya ng menor de edad na una niyang inakusahang nag-ala-Paparazzi sa kanya sa isang restaurant.

Bago ito, nagbigay ng limang araw na palugit ang ina ng teenager para sa public apology ni Adarna pero bigo itong magawa ng aktres.

Desidido naman ang pamilya ng menor de edad na proteksyunan ito laban sa mga umano’y naninira sa kaniyang integridad.

Sa ibang balita, panibagong music stunt naman ang pakulo ng aktor na si Ryan Reynolds para sa promotion ng pelikula nitong Deadpool 2.

Kung noong una’y nag-interpretative dance ito kasama si Celine Dion, level up ngayon ang aktor na bumirit ng kantang “Tomorrow” sa sorpresang pagsabak nito sa isang Korean singing show habang nakasuot ng sparkly unicorn mask and cape.

Laking gulat at tuwa na lamang ng audience maging ng mga hurado sa rebelasyon na si Reynolds ang nasa likod ng maskara.

Aminado naman ang aktor na kinabahan siya sa kaniyang performance at nagpasalamat sa karanasan sa naturang programa. | via Eunice Garcia-Langcauon