Election protest ni Ex-Mayor Eusebio vs Mayor Sotto, ibinasura ng COMELEC

Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang election protest na isinampa ni dating Pasig City Mayor Bobby Eusebio laban sa kasalukuyang Mayor ng Pasig na si Vico Sotto.

Base sa siyam na pahinang kautusan ng Comelec 2nd division na pirmado ng mga Comelec commissioner, pinawawalang-saysay ang electoral protest ni Eusebio laban kay Sotto.

Base rin sa Comelec order noong August 30, “unanimous” ang desisyon na i-dismiss ang election protest ni Eusebio, dahil sa kawalan umano nito ng “form and substance.”

Bigo rin umanong mapatunayan na nagkaroon ng electoral fraud, anomalya at iregularidad sa mga inireklamong mga presinto noong eleksyon.

Samantala, natanggap na ng kampo ni Sotto ang utos ng Comelec.

Matatandaang idineklarang panalo si Sotto sa nakalipas na May 13 midterm elections laban kay Eusebio.