Eleazar sa mga pulis: Maging huwaran sa pagsunod sa health protocols

Hindi palalampasin ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar, ang mga Pulis na mismong lumalabag sa ipinatutupad nilang health protocols.

Ito ang reaksyon ng PNP Chief, makaraang mag-viral sa social media ang video ng ilang tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Station 16 na nakatalaga sa checkpoint, na naninita ng mga hindi naka-face mask habang sila mismo ay hindi rin nakasuot nito.

Ayon sa PNP Chief, kailangang magpakita ng mabuting halimbawa ang mga pulis sa pagpapatupad ng batas upang makuha ang tiwala ng publiko.

Kasunod nito, umapela rin si Eleazar sa publiko, na huwag maging pasaway at sumunod din sa mga panuntunan ng pamahalaan upang hindi masita.

Pinagpapaliwanag na rin ng PNP Chief ang pamunuan ng QCPD Station 16 hinggil sa insidente, at pinaalalahaan ang lahat ng pulis na ituloy lang ang pamamahagi ng face mask at face shield sa mga wala nito.

Hinimok din ni Eleazar ang publiko, na ipagbigay alam lang sa kanila sa pamamagitan ng E-Sumbong program, ang mga pulis na lumalabag din sa health protocols.