Eleazar: Gawing virtual ang mga pagkilos para sa ika-123 Araw ng Kalayaan

Hinikayat ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang iba’t ibang mga grupo na nagbabalak magkasa ng kanilang mga pagkilos bukas, sa Araw ng Kalayaan, na gawin na lang itong online.

Ayon sa PNP Chief, nananatili ang banta ng COVID-19 kaya para na rin sa kaligtasan ng lahat, ay mas mabuti kung sa pamamagitan ng zoom o ibang online platforms magpahayag ng kanilang sentimyento ang mga mamamayan.

Nanawagan si Eleazar sa mga mamayan, na maging responsable din sa kanilang kalusugan at kaligtasan ng bawat isa.

Giit ng PNP Chief, nirerespeto ng PNP ang kalayaan sa pamamahayag ng bawat mamamayan, pero iba aniya ang sitwasyon ngayon.

Kaya aniya nakaalerto pa rin ang PNP sa ano mang posibleng mass gathering sa mga lansangan, na paglabag sa health protocols.

Binilinan naman ni Eleazar ang mga pulis, na ipatupad ang “maximum tolerance” at bigyan ng sapat na pagkakataon ang mga magsasagawa ng mass gathering na kusang mag-disperse.