Ekonomiya at turismo, iminungkahing buksan na sa foreign tourists na fully vaccinated

Iminungkahi ni Deputy Speaker at 1PACMAN Partylist Representative Michael Romero sa pamahalaan, na ikonsidera na ang pagbubukas ng turismo at retail sector sa mga banyaga at returning overseas Filipinos.

Paliwang ng kinatawan, nasa isang bilyong katao na sa buong mundo ang nakatanggap ng dalawang dose ng COVID-19 vaccine.

Ang sektor aniya na ito, ay maaari nang himukin at pahintulutan na bumiyahe sa Pilipinas, upang mabuksan muli ang tourism at leisure establishments pati na ang retail sector.

Sa naturang isang bilyong vaccinated individuals, maaaring buksan ang bansa sa 500,000 kada buwan o 6 million arrivals, na halos katumbas ng pre-pandemic statistics.

Para naman matiyak pa rin ang kaligtasan ng mga papasok na turista at ng mga Pilipino, kailangan magpresenta ng valid vaccination card ang mga foreign tourist at returning overseas Filipinos at isailalim muli sa RT-PCR test.