Educational subsidy na aabot sa P40,000 piso, tiniyak ng Palasyo na maibibigay sa mga estudyanteng makakapasok sa state colleges and universities

Nagpaalala ang Palasyo sa publiko lalo na sa mga mag-aaral na tutuntong ng kolehiyo na walang dapat na bayarang tuition at miscellenuous fee sa state universities sa buong bansa.

Ang paalala ay ginawa ni Presidential Spokesman Atty Harry Roque kaugnay ng pagbubukas ng school year 2018-2019 ngayong darating na Lunes, Hunyo 4.

Pagbibigay-diin ni Roque na bukod sa libreng tuition at walang dapat na bayaran na miscellenuous fees sa lahat ng state universities at colleges, may nakalaan ding educational subsidy para sa mga mahihirap na estudyante.

P40,000 piso kada taon ang nakalaan aniyang budget ng pamahalaan para sa educational subsidy ng bawat estudyante na makapapasok sa mga unibersidad at kolehiyo na pinapatakbo ng pamahalaan.

Ito na ani Roque ang ikalawang taon na mapapakinabangan ang libreng college education ng Duterte administration ng mga mahihirap na Pilipinong nais makapagtapos ng pag-aaral ngunit kapos sa pangangailangan. | via Alvin Baltazar