ECQ Ayuda sa Maynila, kumpleto na

Natapos na ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang pamimigay ng ayuda mula sa nasyunal na pamahalaan na umabot sa 380,820 families ang nabiyayaan nito.

Ayon kay Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, umabot ng 35 araw ang itinagal ng pamimigay ng ayuda na pinangasiwaan ng Manila Department of Social Welfare mula nitong April 6.  

Ito ang naatasan na ipatupad ang Joint Memorandum Circular (JMC) No. 1 series of 2021 na naglalaan ng ₱1,000 bawat indibidwal na may maximum na ₱4,000 kada isang pamilya makaraang magpatupad ang pamahalaan ng ‘Enhanced Community Quarantine’.

Pinasalamatan din ni Moreno ang national government sa tulong nito sa lungsod. 

Nasa 6,421 Persons with Disabilities (PWDs), 4,241 solo parents, at 20,335 persons under vulnerable groups (mga informal workers at tsuper) sa lungsod ang nabigyan din ng ₱1,000 ayuda mula sa national government.

Nabatid na nasa 9,072 na inisyal na hindi kasama sa talaan ng ibinigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nagawang maisama ng lokal na pamahalaan at nakatanggap din ng kanilang financial assistance.