Economic relief para sa domestic air carriers, itinutulak sa Kamara

Nasa ₱40-billion pesos economic relief package ang ipinapanukala ni AAMBIS-OWA Party-list Representative Sharon Garin para sa domestic air carriers na lubhang tinamaan ng COVID-19 pandemic.

Sa ilalim House Bill 9324 o Air Carriers Relief Act gagawaran ng economic relief ang naturang sector ng transportasyon sa pamamagitan ng pagpapalawig sa loan payments, interest-free loans, loan guarantees, at regulatory reliefs.

Tig-₱10-billion ang ilalaan para sa interest-free loans sa Development Bank of the Philippines (DBP), at Philippine Guarantee Corporation (PGC) Special Guarantee Fund gayundin sa regulatory fees, at mandatory rapid testing.

Bibigyan din ng dalawang taong temporary relief mula sa pagbabayad ng excise tax sa pagbili ng fuel ang Philippine carriers.

Pahihintulutan din ang mga domestic carrier na pansamantalang limitahan ang ticket refund at sa halip ay i-convert ito sa travel vouchers.

Ang existing liability ng domestic carriers sa kanilang pasahero para sa refund ng hindi nagamit na ticket ay sasagutin ng DBM na maaari namang ibigay ng national government sa government personnel para sa official travel.

Tinukoy ng mambabatas na dahil sa patuloy na lockdown at limitasyon sa mobility o pagbiyahe ay patuloy na nahaharap sa malaking economic loss ang domestic airlines sa bansa.

Sa kabila nito ay patuloy pa rin naman ang operasyon ng mga ito para sa repatriation ng OFWs at delivery ng medical supplies at bakuna na kailangan laban sa COVID-19.