EastMinCom, pabor sa mandatory ROTC

Sang-ayon si Lieutenant Colonel Ezra Balagtey, tagapagsalita ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) na gawing mandatory ang Reserve Officers’ Training Program (ROTC) sa bansa.

Giit niya, ang ROTC ay isang magandang training ground para sa pag-unlad ng kakayahan ng mga kabataan at upang magkaroon ng disiplina.

Sa mga kontra naman sa mandatory ROTC, sinabi ni Balagtey, may kalayaan ang mga ito na magpahayag ng kanilang opinyon, ngunit, kanyang ipinaliwanag na hindi naman lahat ng training ay kakapalooban ng pakikipaglaban dahil ang misyon naman daw ng militar ay binubuo ng maraming aspeto.

Sa EastMinCom aniya, hindi lang paghahanda sa giyera ang kanilang misyon, kundi kabilang na dito ang humanitarian assistance and disaster response gayundin ang pag-oorganisa ng komunidad.

Paliwanag pa ni Balagtey ang ROTC ay sumasalamin sa regular na training na ginagawa ng militar, bagama’t mas magaan ito kaysa tunay na military training.

Inamin naman ni Balagtey, na isang aral sa kanila ang nangyaring pang-aabuso sa pagpapatupad ng ROTC noon, ngunit tiwala naman siya na sa bagong batas, ay maitutuwid na ang mga nakaraang kamalian.