EastMinCom, nagpasalamat sa kooperasyon ng simbahang Katolika sa “no backpack policy” sa mga simbahan sa Davao City

Nagpasalamat si Eastern Mindanao Command (EastMinCom) commander Major General Felimon Santos Jr., sa tugon ni Archbishop Romulo Valles sa panawagan ng Public Safety and Security Command Center (PSSCC) na ipagbawal ang mga backpack, at iba pang malalaking bags at kahon sa loob ng mga simbahan.

Ito ay matapos na maglabas ng isang circular si Valles, na humihimok sa mga parish priest na ipagbawal ang mga naturang mga bagahe sa loob ng simbahan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Santos na mas mapapalakas nito ang implementasyon ng Martial Law sa lugar dahil mas madali na ngayon sa kanila ang counter-terrorism measures sa lungsod.

Mas mahihirapan din umano ang mga terorista na magsagawa ng karahasan sa loob ng mga simbahan.

Inutusan na nito ang lahat ng sundalo ng kanyang nasasakupan, na maging culture at gender sensitive, at siguruhin na hindi malalabag ang karapatang pantao ng bawat indibidwal.

Sinisiguro naman ni Santos, na babantayan nito ang lungsod para masiguro ang kaligtasan ng bawat tao dito. | ulat ni Armando Fenequito – Radyo Pilipinas  Davao