Eastern Police District, nangunguna sa pag-aresto ng mga tambay sa NCR

Nangunguna ang Eastern Police District (EPD) sa bilang ng mga naarestong tambay sa mga police district na sakop ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Sa ulat ni NCRPO Director Guillermo Eleazar, 2237 ang inaresto ng EPD mula sa kabuang 7291 na arestado sa National Capital Region mula alas-5 ng Hunyo 13 hanggang kaninang ala-5 ng umaga, sa pagpapatupad ng kampanya kontra sa mga tambay sa kalye.

Pumangalawa ang Southern Police District (SPD) na may 2,046 arestado habang 1,146 naman sa Quezon City Police District (QCPD), 1,011 sa Northern Police Distict (NPD) at 851 sa Manila Police District (MPD).

Tiniyak ni Eleazar na ang mga inaresto ay hindi lang basta dinampot dahil sa pakalat-kalat sa lansanangan kundi may mga nilabag na samu’t saring ordinansa at batas.

Kabilang dito ang paninigarilyo sa pampublikong lugar, pag-inom ng alak sa lansangan, half-naked sa labas ng tahanan, pag-ihi sa kalye, pambabastos, littering, breach of peace, obstruction, riding in tandem, concealment of deadly weapons at sobrang ingay.

Una nang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde, hindi maaaring arestuhin ang mga tambay sa kasong “bagansya” dahil taong 2012 pa na de-criminalize ang vagrancy. | ulat ni Leo Sarne