“Duterte Death Squad”, aprub sa militar, maliban sa pangalan

Aprubado sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ipinanukala ng Pangulo na pangontra sa New People’s Army (NPA) na “Duterte Death Squad”, maliban sa pangalan nito.

Ayon kay AFP Spokesperson BGen Edgard Arevalo, maaring naisip lang ng Pangulo ang pangalan ng grupo para ipakita na determinado siyang tapusin ang mga liquidation squad ng NPA.

Pero kung ang militar aniya ang tatanungun, irerekomenda nila na tawagin na lang ang grupo na Team Counter-NPA Liquidation Squad, o kahalintulad na pangalan.

Panukala aniya ng AFP na ang mga team na ito ay kabibilangan ng mga “elite soldiers”, bilang epektibong pangontra sa SPARU o Special Partisan Unit na hit squad ng NPA.

Pero ayaw naman aniya ng AFP na makilala ang mga team na ito bilang “death squad” ng Pangulo.

Bagamat konsepto pa lang aniya ito ng Pangulo, sa panig ng AFP ay pinaigting na nila ang kanilang intelligence operations laban sa NPA.

Pinaalalahan din ni Arevalo ang mga sundalong nasa non-combat assignments at naka-bakasyon na mag-doble ingat para hindi mabiktima ng mga NPA hit squad. | ulat ni Leo Sarne