Dumaguete City, Negros Oriental Vice Mayor Alan Gel Cordova, pumanaw na

Nagluluksa ang buong Dumaguete City at Negros Oriental matapos pumanaw si Dumaguete Vice Mayor Alan Gel Cordova Linggo ng umaga.

Galing sa isang charity bike race sa Tanjay City si Vice Mayor Cordova bago ito nawalan ng malay habang binabaybay ng nakabisikleta ang national highway sa Barangay Bantayan, Dumaguete City.

Pauwi na sana ang bise mayor nang nag-collapse ito matapos atakihin sa puso.

Agad itong dinala sa Negros Oriental Provincial Hospital kung saan ito binawian ng buhay matapos sinubukang ma-revive ng mga medical responders.

Panghihinayang ang naramdaman ng kaibigan at Dumaguete Councilor Joe Kenneth Arbas sa biglaang pagkawala ng kasama sa serbisyo publiko na aniya ay tapat na naglilingkod at hindi inaalintana ang political affiliation ng kaniyang katrabaho.

Kahit pa nasa kabilang partido, hindi malilimutan ni Councilor Karissa Tolentino-Maxino ang mensahe ng pakikiisa ni Cordova sa kanya na ipinadala ng bise mayor ilang sandali bago ito bawian ng buhay.

Nagpadala aniya ng text message si Cordova kay Tolentino-Maxino matapos mabalitaang nagpositibo sa COVID-19 ang konsehala.

Si Cordova na nasa edad 50 ay nauna nang nagpositibo sa COVID-19 at kamakailan ay naideklarang recovered kaya bumalik ito sa active lifestyle gaya ng pagbibisikleta.