“Due process” para sa mga sumukong Ninja cops ipinangako ng PNP Chief   

Ipinangako ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na bibigyan ng due process ang mga susukong Ninja Cops o yung mga pulis na nagre-recycle ng droga.

Ang pagtiyak ay binigay ni Albayalde sa isang ambush interview matapos dumalo sa isang shootfest sa Marikina kahapon.

Kasabay nito, nilinaw ni Albayalde na wala siyang ibinibigay na shoot to kill order laban sa mga Ninja cops.

Ayon kay Albayalde, bukas ang PNP sa mga susukong Ninja cops, pero hindi aniya niya mapapangakuan ng proteksyon ang mga ito laban sa mga sindikatong makakabangga ng mga ito.

Dagdag ng PNP chief, mayroon silang minamanmanan ngayong mahigit 1,700 pulis na pinaghihinalaang mga Ninja cops, pero sa ngayon aniya ay wala pa rin ni isa sa mga ito ang sumusuko.  | ulat ni Leo Sarne