DTI, hinimok na bantayan ang presyo ng mga pangunahing bilihin

Naaalarma si Senate President Vicente Sotto III sa mga ulat na paglabag sa price freeze na ipinapatupad ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga pangunahing bilihin sa buong bansa ngayong nasa ilalim tayo ng State of Public Health Emergency.

Ayon kay Sotto, nakakatanggap siya ng mga ulat na ilang negosyante ang nagtataas ng presyo ng kanilang paninda gaya ng bigas, mga de-lata at mga health items.

Inihalimbawa nito ang ulat na ang isang kabang bigas ngayon ay umaabot na sa 2,100 pesos ang bentahan na malayo sa orihinal na presyo nito na 1,800 pesos kada isang kaban o kada 50 kilo.

Ginagawa aniyang dahilan ng mga traders at retailers ang mga checkpoint at lockdown procedures para taasan ang presyo ng kanilang mga produkto.

Dahil dito, hinimok ng Senate president ang DTI na aksyunan at bantayan ang standard retail price (SRP) ng mga bilihin ngayon.

Sinabi ni Sotto na dapat magdeploy ang DTI ng monitoring teams na tiyaking sinusunod ng mga supermarket, palengke at kahit mga sari-sari stores ang price freeze at SRP.

Dapat rin aniyang magtatag ang ahensya ng isang special costumer hotline kung saan maaaring magsumbong ang mga consumer.