DSWD, target pa ang higit P4,000 pamilya sa Marawi City na mabigyan ng iba’t ibang livelihood assistance

Karagdagan pang 364 pamilya sa Barangay Basak Malutlut, Marawi City ang nakatanggap ng seed capital fund na tig P10,000 mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang ibinibigay na pondo ay para magamit nila para makapagsimula ng kahit maliit na negosyo na makakatulong sa kanilang kabuhayan.

Plano ng ahensiya na mabigyan ang 4,066 pamilya sa iba’t ibang porma ng livelihood assistance.

Kabilang dito ang pagtatatag ng community sari-sari stores, fish ponds, pagbili ng makina sa pagtatahi at iba pang micro-enterprises.

Ito ay ipinatutupad sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program ng DSWD.

Pagtiyak pa ng DSWD na makakaasa pa ng tulong ang mga internally displaced persons kahit halos mag-iisang taon na ang nakalipas mula ng sumiklab ang giyera sa kanilang lugar.

As of October 12, mahigit na sa P2.5 billion ng halaga ng tulong ang naibigay ng DSWD sa 75,752 pamilya mula ng magsimula ang krisis doon.  | ulat ni Rey Ferrer