DSWD, nilinaw na walang kinalaman ang mga opisyal ng barangay sa mga programa nito

Nilinaw sa publiko ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na walang kinalaman ang sinumang barangay officials sa mga programang ipinatutupad nito.

Nagpalabas ng paalala ang DSWD kasunod ng mga ulat na may ilang barangay candidates ang pinapaniwala ang publiko na sila ang nagpapatupad ng mga programa at serbisyo ng ahensiya.

Hinihingi nila ang boto ng mga botante kapalit ng hindi pagtanggal ng kanilang mga pangalan sa listahan na binibigyan ng benepisyo.

Iginiit ni DSWD Acting Scretary Emmanuel Leyco na lahat ng programa at serbisyo ng DSWD ay direktang pinangangasiwaan nito at wala sa mga tanggapan ng mga pulitiko .

Umapela na rin ang DSWD sa mga barangay re-electionists at iba pang kandidato na tigilan na ang pagpapakalat ng maling impormasyon at paggamit sa mga programa at serbisyo ng ahensiya na malinaw na paglabag sa Omnibus Election Code. | via Rey Ferrer