DSWD, nangangailangan na ng mga tao para magtrabaho sa Boracay sa ilalim ng Cash for Work program

Walong libong indibidwal ang kailangan ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para magtrabaho sa Boracay Island sa ilalim ng Cash for Work program.

Pero nilinaw ni DSWD Acting Secretary Virginia Orogo, ang mga tatanggapin lamang na indibidwal ay mga manggagawa at residente na naapektuhan ng closure ng isla.

Katunayan, naglaan na ang DSWD ng P77 million peso para sa implementasyon ng Cash for Work na tatagal ng 30 araw.

Itatalaga ang mga manggagawang kasali sa programa sa mga baranggay ng Balabag, Yapak, at Manocmanoc at ang magiging trabaho nila ay ang paghuhukay, paglilinis ng mga kanal, pagtatanim ng puno, paglilinis ng mga daan, pagkukumpuni, paggiba ng mga illegal structure, paghahakot ng basura at iba pa.

Bawat manggagawa ay tatanggap ng arawang sahod na P323.50.

Ang iba naman na may sapat na kaalaman ay maaaring italaga sa technical o office work at sa disaster operations management center. | via Rey Ferrer