DSWD, nakaalerto sa posibleng epekto ng Bagyong Rosita; DILG, inutusan ang mga lokal na opisyal ng maaapektuhang lugar na manatili sa kani-kanilang lugar

Nakaalerto ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) habang mino-monitor ang mga posibleng epekto ng Bagyong Rosita, na inaasahang tatama sa kalupaan bukas ng umaga, araw ng Martes.

Ayon kay DSWD Sec. Rolando Bautista, ang kanilang field offices sa mga maaapektuhang rehiyon ay patuloy na nakaantabay sa lagay ng panahon sa pamamagitan ng Quick Response Team, at nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan doon para sa agarang pagbibigay ng tulong kung kinakailangan.

Samantala, nagpaalala naman si Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo Año, sa lahat ng lokal na opisyal sa Regions 1, 2, 3, 5,  Cordillera Administrative Region (CAR),  Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon (CALABARZON), at Metro Manila na manatili sa kani-kanilang lugar bago, habang at pagkatapos ng kalamidad.

Ayon kay Año, inaasahan niya na ang mga local chief executive ay nasa kani-kanilang lokalidad para personal na pangasiwaan ang mga preparasyon at gumawa ng mga kaukulang aksyon upang mapagaan ang epekto ng bagyo sa buhay at ari-arian.

Inatasan na rin nito ang regional offices ng kagawaran sa mga nabanggit na rehiyon na i-reactivate ang kani-kanilang disaster monitoring and reporting systems.

Huling namataan ang mata ng Bagyong Rosita sa Casiguran, Aurora. Taglay nito ang hangin na 150 kilometers per hour at may pagbusong 185 kilometers per hour. | ulat Ched Oliva