DSWD, nagpaliwanag sa kaso ng nangyaring robbery-holdap sa pondo ng 4Ps sa Ifugao, mga benepisyaryo huwag daw mabahala

Tiniyak na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa bayan ng Tinoc, Ifugao na matatanggap pa rin nila ang kanilang cash grants sa kabila ng panghoholdap sa kanilang pondo nitong nakalipas na araw

Base sa report ng DSWD field office sa Cordillera Administrative Region, nangyari ang holdap noong Mayo 21 kung saan natangay ang P2.7 milyong piso na ipapamigay sanang cash grants sa may 1,269 Pantawid beneficiaries sa Tinoc.

Dala ng mga tauhan ng Lagawe Multi-Purpose Development Cooperative, isang local conduit ng Land Bank of the Philippines ang payout funds nang gawin ang panghoholdap.

Ang Landbank ang partner ng DSWD sa pagbibigay ng cash grants sa kabuuang 4.4 million 4Ps beneficiaries mula ng ipatupad ang 4Ps noong 2008.

Nagbigay naman ng assurance ang Landbank na iri-reschedule ang payout kapag matapos na ng mga awtoridad ang imbestigasyon sa kaso.

Kaugnay nito, humingi ng pang-unawa ang DSWD sa mga benepisyaryo dahil sa hindi inaasahang insidente. | via Rey Ferrer