DSWD, inaaksyunan na ang pagkalat ng pekeng PWD IDs

Inaaksyunan na ng Department  of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagkalat ng mga pekeng Person with Disability (PWD) IDs.

Ayon kay Social Marketing Service OIC-Director Irene Dumlao, nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Health (DOH), National Council on Disability Affairs (NCDA), gayundin sa mga awtoridad at lokal na pamahalaan para matukoy ang mga nagpapakalat at nagmamay-ari ng mga pekeng disability ID.

Nilinaw ng DSWD na ang naturang identification card ay iniisyu ng Persons with  Disability Affairs Office (PDAO) ng bawat syudad o munisipalidad at tanging pinagkakalooban lamang nito ang mga taong nagtataglay ng kapansanan na nasa kategoryang psychosocial, learning, chronical illness, visual, orthopedic, speech, hearing and mental conditions.

Bago bigyan ng ID, ito ay dapat may kalakip na patotoo mula sa doktor o kaya’y guro o head ng non-government organization o head ng business establishment kung namamasukan.

Sertipikasyon naman ng licensed private o government physician ang kailangan sa mga may non-apparent disability.

Kaugnay nito’y nananawagan ang DSWD na isumbong ang mga nagpapakalat o nagbebenta ng pekeng PWD ID pagkat may katumbas na parusa ang falsification of public documents.

Malalaman naman kung tunay ang disability ID sa pamamagitan ng pag-check ng pangalan ng ID owner sa Philippine Registry of Persons with Disability na pinamamahalaan ng DOH o sa PDAO o Persons with Disability Affairs Office ng lugar na pinag-isyuhan.