Druglist na sangkot umano ang ilang barangay officials, dapat munang dumaan sa due process, bago isapubliko

Bagama’t pinapaboran ng isang kongresista ang pagsisiwalat ng listahan ng mga opisyales ng barangay na sangkot sa kalakalan ng iligal na droga, kailangan namang maging maingat sa usaping ito.

Ayon kay Manila Cong. Carlo Lopez, kailangan tiyakin ng PDEA na dumaan ang mga ito sa due process of law at hindi malalabag ang kanilang karapatan sa ilalim ng batas.

Gayunman, sinabi ng Tondo solon na may idea na ang mga botante kung sino ang mga opisyales na sangkot sa iligal na droga sa kanilang mga barangay.

Nauna rito, hinimok ng DILG ang PDEA na isiwalat na ang listahan ng mga barangay officials sa bansa na sangkot umano sa operasyon ng iligal na droga.

Ayon kay DILG Officer-in-Charge Eduardo Año, napapanahon ang naturang hakbang dahil sa papalapit na halalan.

Handa naman umano ang PDEA na isapubliko ang druglist, ngunit kinontra ito ni incoming Philippine National Police Chief Oscar Albayalde.

Binigyang diin ni Albayalde na ito ay pamumulitika sa panig ng DILG at dapat munang dumaan sa due process at masusing validation bago isapubliko ang naturang druglist. | via Rene Tichangco