‘Drug Test Challenge’ ng PNP sa Cubao police station, dinagsa ng mga kandidato ngayong halalang pambarangay

Dinagsa ng mga kandidatong tatakbo ngayong halalang pambarangay ang inilunsad na ‘Drug Test Challenge’ ng Philippine National Police (PNP) na isinagawa sa Police Station 7 ng Quezon City Police District (QCPD).

Ganap na ala-1:00 kanina, nagsimulang magdatingan ang mga kandidato ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) election mula sa siyam na barangay na nasa hurisdiksyon ng naturang himpilan ng pulisya.

Ayon kay Cubao Police Station 7 Commander Police Supt. Benjie Louise Tremor, tugon nila ito sa panawagan ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde na boluntaryong magpasailalim sa drug test upang linisin ang kanilang pangalan at ipakita sa publiko na hindi sila gumagamit ng iligal na droga.

Sabi pa ni Supt. Tremor, ambag din ito ng liderato ng QCPD sa komunidad upang tiyaking wala nang narco-politics o manunungkulan sa bayan na adik o sangkot sa illegal drugs sa anumang kaparaanan.

Umabot sa halos dalawang daan (200) ang pinaghalong bilang ng nagpalistang mga kandidato na taas noong sumailalim sa drug test.

Kasama rin sa bilang na ito si Kagawad Noemi Agcaoili na matatandaang napabilang sa isinapublikong barangay narco-list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ayon kay Agcaoili na tumatakbo ulit na kagawad sa Barangay Bagong Lipunan ng Crame, nais niyang linisin ang kanyang pangalan at patunayan sa publiko na hindi umano siya protektor ng iligal na droga sa pamamagitan ng drug testing ng PNP.

Kinumpirma ng incumbent barangay official na wala naman siyang natatanggap na banta sa kanyang buhay at hindi rin naaapektuhan ng isyu ang kanyang kandidatura. | via Shane Juan