Drug-free barangays patuloy na dumadami – PCOO Asec. Banaag 

Patuloy na dumarami ang bilang ng nga drug-free barangays sa bansa.

Ito ang inihayag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Anna Marie Rafael-Banaag sa isinagawang Real Numbers Forum Year 2 sa Camp Crame kahapon.

Batay sa datos mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), aabot na sa 8,444 ang mga barangay na idineklarang drug-free.

Gayunman, nilinaw ni Banaag na posible pa ring maalis sa listahan ng mga Drug-Free Barangays ang isang lokalidad kung may mga maitatalang kaso ng iligal na droga doon.

Samantala, ini-ulat naman ni PDEA Spokesperson at Hepe ng PDEA Laboratory Service na si Dir. Derrick Carreon na aabot na sa mahigit P24-bilyong pisong halaga ng samu’t-saring iligal na droga ang nasabat ng mga otoridad.

Mula sa naturang bilang, tumaas din ng mahigit P2-bilyong piso ang mga nasabat na shabu na aabot sa mahigit P17-bilyong piso.

223 naman ang drug den at 12 clandestine drug laboratories ang na-buwag ng mga awtoridad.

Kaugnay naman ng ‘internal cleansing’ sa mga unipormadong hanay, 279 dito ang nasibak na sa serbisyo dahil sa paggamit ng iligal na droga habang may 105 ang sinibak din dahil sa pagkakasangkot sa drug-related offenses.  | ulat ni Leo Sarne