Drug education, isasama na sa curriculum sa susunod na school year

Isasama na sa curriculum ng mga mag-aaral sa public schools ang mga aralin tungkol sa kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles, inihahanda na ngayon ng Department of Education (DepEd) ang mga kakailanganin gaya ng lesson plan para sa ikinakasang drug education.

Saklaw ng pagpapatupad ng curriculum ang kindergarten hanggang grade 12.

Dagdag ni Nograles, na kabilang din sa mga isusulong na aktibidad na lalagyan ng tema patungkol sa drug education ay poster o slogan making contests, parenting at coaching sessions, at drug assistance and rehabilitation education o DARE program.

Sa ilalim ng DARE program, magkakaroon ng uniformed officers na magtuturo o magbibigay ng lecture sa mga mag-aaral sa bawat section ng paaralan patungkol sa epekto ng iligal na droga, at iba pang bagay na may kinalaman sa usapin. | ulat ni Alvin Baltazar