Drug den sa Digos City, nabuwag sa operasyon ng PDEA XI at PNP

Photo from PDEA XI

Nabuwag ang isang drug den sa Digos City, Davao del Sur, kahapon, August 5, sa operasyon na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA XI) sa pakikipagtulungan nito sa Davao Occidental Provincial Police Office, Regional Mobile Force Battalion, Davao del Sur Police Provincial Office at Digos City.

Sa report ng PDEA XI, inilahad dito ang pagkahuli ng dalawang namamahala sa drug den na kinilalang sina Mohoney Grace Manit at Jemuel Aguilar.

Inilunsad ng mga awtoridad ang operasyon sa pinaghihinalaang drug den sa Purok Kalaw, Barangay Zone 3, sa nasabing lungsod bandang 4:40 PM kahapon.

Timbog din ang tatlong parokyano na sina Camilo Cartagena Jr., Rodolfo Manto, at Ivan Carl Reponte, na naaktuhan na nasa drug den na umano ay nagsasagawa ng drug session.

Nakuha mula sa nasabing lugar ang walong sachet ng pinaghihinalaang shabu, na nagkakahalaga ng P210,000 kasama ang iba’t ibang drug paraphernalia.

Sinampahan na ng kaso sa piskalya ang mga nasabing mga suspek, dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.