Isang drug den ang nalansag at pitong drug personalities ang naaresto sa isinagawang buy bust operation sa Talisay City, Cebu.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director-General Aaron Aquino, noong Nobyembre 10, bandang alas-3 ng hapon, ang pinagsamang pwersa ng PDEA Regional Office VII, MIMAROPA Occidental Mindoro Police Station, at Talisay City Police Station ay nagsagawa ng buy-bust sa Sitio Tiago, Barangay San Isidro, Talisay City, Cebu, na nagresulta sa pagkakalansag ng isang drug den at pagkakaaresto ng pitong pinaghihinalaaang drug personalities.
Kinilala ni Aquino ang mga suspek na sina Franklin Rafols, na siyang maintainer ng naturang drug den; Raymond Labra; Jone Ryan Nacario; Christopher Ledona; Stewart Calinpusan; Michael Jay Bayaga at Mark Anthony Nacario.
Nakumpiska sa operasyon ang siyam na piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting crystalline substance na pinaghihinalaang shabu, at tumitimbang ng humigit-kumulang labing-limang (15) gramo at may estimated value na Php102,000, kasama ang iba’t ibang drug paraphernalia.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 o Sale of Illegal Drugs, Section 6 o Maintenance of Drug Den, Section 7 o Visitors of a Drug Den, Section 11 o Possession of Dangerous Drugs, Section 12 o Possession of Drug Paraphernalia at Section 15 o Use of Dangerous Drugs Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. | ulat ni Ched Oliva