Drive-thru vaccination sa Lungsod ng Maynila, sisimulan bukas

Magkakaroon na rin ng drive-thru vaccination sa Lungsod ng Maynila simula bukas, araw ng Sabado.

Ito’y bilang tugon sa malaking bilang ng mga nagpapa-bakuna sa kabila ng pagsama ng panahon at malakas na ulan.

Ang dating drive-thru testing sa parade grounds sa Luneta ay hinati na rin para bigyang daan ang pagbabakuna sa mga motorista.

Sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na bawal ang walk-in at kailangang may reservation sa drive-thru vaccination.

Pwede namang magpabakuna ang mga kasama sa sasakyan basta sila’y nagpa-rehistro.

Paglilinaw din ng alkalde na mga motorista lamang na sakay ng apat na gulong na sasakyan ang papayagan sa drive-thru vaccination.

Ibig sabihin, bawal ang mga naka-motorsiklo at bisikleta, dahil layunin nito na huwag pumila ang mga tao habang umuulan sa tuwing masama ang panahon.