Drive-thru COVID-19 testing, inilunsad sa Taguig City

Mas pinalawak pa ng Lokal na Pamahalaan ng Taguig ang pagsasagawa ng testing sa mga residente para sa coronavirus disease (COVID-19).

Ito ay matapos ilunsad ang drive-thru testing para sa mga may sariling sasakyan, kung saan magkakaroon ng temporary facilities sa Bonifacio Global City at Taguig Lakeshore sa Barangay Lower Bicutan.

Sa ilalim ng Systematic Mass Approach to Responsible Testing o SMART, ay naisakatuparan ang bagong paraan bukod sa on-call service ng health workers, na nagtutungo sa mga tahanan para kolektahin ang swab samples ng mga residente.

Mahigit isanlibong residente na ang sumalang sa COVID-19 testing sa lungsod, at target pa nilang taasan ang bilang, at isasama na ang mga indibidwal na nagpapakita ng sintomas, frontline workers, mga taong nakalasamuha ang confirmed patients at vulnerable sector gaya ng senior citizens at PWDs.

Kaugnay nito, sasanayin din ng city government ang mga tauhan sa 31 health centers at tatlong super health centers, para makapag-test sa barangay na nasasakupan.

Samantala, ipinagmalaki naman ni Taguig City Mayor Lino Cayetano, na isa ang lungsod sa may pinakamababang bilang ng COVID-19 patients sa Metro Manila, na nakapagtala ng 23 confirmed cases sa bawat isandaang libong populasyon.

Dahil dito, iginiit ng alkalde na kahit magalit pa ang mga residente sa mahigpit na implementasyon ng Philipppine National Police (PNP) at LGU sa enhanced community quarantine, ay gagawin nila ang lahat para mailigtas sila mula sa banta ng virus.