Drilon, pormal na kinontra ang committee report ukol sa dengvaxia controversy

Kinontra ngayon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang draft committee report ni Senador Richard Gordon, na nagrerekomenda ng paghahain ng kaukulang kaso laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino at mga dating opisyal kaugnay ng dengvaxia controversy.

Sinabi ni Senador Drilon, na hindi siya sumasang-ayon sa blue ribbon committee report na inihanda ni Senador Gordon, na tuwirang  nagrerekomenda na kasuhan sina dating Pangulong Aquino, dating health Secretary Janette Garin, dating Budget Secretary Butch Abad at iba pang mga opisyal kaugnay ng pagbili at paggamit ng dengvaxia vaccine.

Ang opinyon ni Drilon ay pormal na naiparating kay Gordon, sa pamamagitan ng isang sulat kung saan kanyang sinabi na bilang isang ex officio member ng mga komiteng nagsagawa ng pagsisiyasat sa dengvaxia controversy, tungkulin niya umano na makita muna ang mga ebidensyang pinagbasehan ng mga finding at rekomendasyon sa nasabing committee report.

Sa kanyang dissenting vote, sinabi ni Drilon na wala silang nakitang matibay na scientific evidence na susuporta sa konklusyon, na ang anumang napaulat na mga pagkamatay ay may kinalaman sa dengvaxia.

Giit pa ni Drilon, na wala rin umanong kongkretong basehan para irekomenda ang paghahain ng kasong katiwalian laban kay dating Pangulong Aquino at iba pa. | via Jojo Isamael

Photo courtesy: Senate of the Philippines FB page