Drilon: Hindi makikialam ang minorya sa magaganap na leadership change sa Senado

Tuwirang sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi sila makikialam at magmamasid na lang ang mga taga-minorya sa inaasahang magaganap na leadership change sa Senado.

Punto ni Drilon, ang magaganap na pagpapalit ng liderato sa Senado ay panloob na usapin ng mayorya at sa tradisyon, kung sino ang mamumuno sa mataas na kapulungan ay siyang may mandato sa mayorya.

Kaya wala na umanong magbabago sa hanay ng minorya kung saan sila’y patuloy sa kanilang gampanin bilang minority group at pananatilihin ang kanilang posisyon bilang oposisyon.

Ani Drilon na siyang tumatayong lider ng anim na miyembrong grupo ng minorya, wala na silang balak na sumali pa sa magaganap na botohan sa pagluluklok ng bagong Senate president sapagkat hindi tulad ng sa Kamara, ang matatalong lider ay otomatikong magiging minority leader.

Pahayag pa ni Drilon, siya’y naging minority leader hindi dahil sa siya’y tumakbo noon at natalo ni Pimentel. Sa Senado aniya, ang hindi bumoto noon kay Pimentel ay ang otomatikong naging grupo ng minorya.

Itinanggi din ni Drilon na kapag umupo na si Sotto ay may tatawid umano mula sa minorya patungong mayorya. | via Jojo Ismael