Draft resolution na humihikayat sa Korte Suprema para baliktarin ang desisyon nito laban sa pinatalsik na si CJ Sereno, ipa-file na ngayon sa Senado

Ipa-file na ngayon sa Senado makaraan na mapirmahan ng 13 senador ang draft resolution na humihikayat sa Korte Suprema para baliktarin ang desisyon nito laban sa pinatalsik na si Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay Senate President Koko Pimentel, may panuntunan na sinusunod patungkol sa mga inihahaing resolusyon sa Senado. Aniya, kapag may senador na magpa-file ng resolusyon, ito’y inire-refer sa tamang komite.

Anang Senate President, sa Senado ay malaya ang sinumang miyembro o senador na magpahayag ng kanyang sentimyento sa anumang bagay at pinapayagan sa bill of rights ang karapatan para sa malayang pamamahayag.

Samantala, ayon kay Assistant Minority Leader Senator Kiko Pangilinan, ang draft resolution ay napirmahan na ng 13 senador at ito’y kanilang ihahain na ngayon sa Senado.

Ani Pangilinan, ang 13 senador na pumirma sa resolusyon ay binubuo ng pitong miyembro mula sa mayorya na kinabibilangan nina Senate President Koko Pimentel, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, sina Senador Grace Poe, Sonny Angara, Win Gatchalian, Chiz Escudero, at Joel Villanueva.

At ang lahat ng anim na senador mula sa minorya na sina Minority Leader Franklin Drilon, Pangilinan, sina Senador Bam Aquino, Risa Hontiveros, Antonio Trillanes at Leila de Lima ang mga nanguna sa pagpirma sa naturang resolusyon.

Subalit, nilinaw ni Senate President Pimentel na ang naturang resolusyon na pinirmahan nilang 13 senador ay para lamang sa records ng Senado at hindi ito dadalhin sa Korte Suprema.

Diin ni Pimentel, isasama lamang ito sa records ng Senado at hindi magiging bahagi ng Korte Suprema pero maari itong gawing attachment ng mga intervenors kapag kanilang naisin. | via Jojo Ismael