DPWH Sec. Villar, nagpadala na ng team na tututok sa naganap na lindol sa Mindanao

Nagsasagawa na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng assessment sa mga lugar na matinding naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao.

Kagabi, niyanig ng magnitude 6.3 na lindol ang Mindanao, na naramdaman sa maraming lugar sa rehiyon at patuloy ang aftershocks.

Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar, inatasan na niya ang regional offices ng ahensya para agarang mag-deploy ng mga team na gagawa ng assessment o pagsusuri sa mga imprastraktura sa iba’t ibang lugar sa Mindanao na nilindol kagabi.

Kasama na rito ang Davao, Davao Del Sur, North at South Cotabato, Agusan Del Sur, Bukidnon, Saranggani, Sultan Kudarat at Zamboanga.

Kabilang sa mga iche-check ng mga team ng DPWH ay ang structural integrity at pinsalang natamo ng key infrastructure sa mga nabanggit na lalawigan, tulad ng mga tulay, kalsada, tanggapan ng gobyerno at iba pa.

Sa ngayon ay wala pang inilalabas na report ang DPWH hinggil sa lawak at halaga ng mga pinsala, bunsod ng lindol.

Pero, ayon sa DPWH, sa oras na makalap na nila ang lahat ng mga ulat at update mula sa regional offices, ay isasapubliko nila ito.