DOTr, tiniyak na walang pagtaas ng pamasahe sa MRT-3

Tiniyak na ng Department of Transportation (DOTr) sa mga commuters na wala itong planong magpataw ng dagdag na pamasahe sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) kahit na magkaroon ng total rehabilitation dito.

Sinabi ni DOTr Undersecretary for Railways Timothy John Batan, na nais ni DOTr Secretary Arthur Tugade na hindi magtataas ng pamasahe hangga’t hindi nararamdaman ng mga commuter ang improvements sa serbisyo ng MRT-3 na may 18 taong gulang nang rail system.

Huling nagtaas ng pamasahe ang MRT-3 noong Enero 2015, na P11 at karagdagang P1 sa bawat kilometro.

Ang 16.9-kilometer rail line mula North Avenue sa Quezon City hanggang Taft Avenue sa Pasay City ay kasalukyang nagsasakay ng average na 350,000 commuters araw araw.

Nitong nakalipas na araw, nilagdaan na ng gobyerno ng Pilipinas at Japan sa pamamagitan ng Department of Finance (DOF) at Japan International Cooperation Agency (JICA) ang P18-billion loan agreement para sa MRT-3 Rehabilitation Project.

Ang proyekto ay tatagal hanggang 2022, na sasaklaw sa rehabilitasyon at maintenance ng lahat ng sub-components ng MRT-3, kabilang na ang electromechanical systems nito, power supply, rail tracks, depot equipment at ang general overhaul ng lahat ng 72 Light Rail Vehicles. | ulat ni Rey Ferrer