DOTr, pupulungin pa ang mga kinatawan ng MRT-3 at Dalian Corp. matapos ang independent audit and assessment sa buong MRT-3 system at Dalian trains

Inanunsiyo ngayon ng Department of Transportation (DOTr)  na pupulungin nito ang mga kinatawan ng Metro Rail Transit Line-3 (MRT-3) at Dalian Corporation.

Ito ay para pag-usapan, ngayong nakumpleto na, ang isinagawang ‘independent audit and assessment’ ng certified certifier na TUV Rheinland sa buong MRT-3 system kabilang na ang 48 Dalian trains na binili ng Pilipinas mula sa China.

Binigyang diin ni Transportation Secretary Arthur Tugade na kailangan muna nilang pag-usapan ang resulta ng pag-aaral bago isapubliko ang pinal na posisyon ng ahensya patungkol sa hindi pa napapakinabangang China-made trains na binili noong nakalipas na administrasyon.

Matatandaang Enero ngayong taon, sinimulan ng TUV Rheinland ang safety audit sa MRT-3 upang ma-determina ang magiging saklaw ng ‘rehabilitation works’ sa train line at isinama na rin dito ang pagsuri sa kondisyon ng Dalian coaches kung pasado ba ito sa tinatawag na ‘terms of reference’.

Kasabay nito, inanunsiyo ni Secretary Tugade na inaasahan ang pagbabalik sa lalong madaling panahon ng Japanese company na Sumitomo-MHI bilang panibagong maintenance provider ng MRT-3.

Sa oras aniya na maisapinal ng gobyerno ng Pilipinas at Japan ang loan agreement para sa MRT-3 Rehabilitation Project ay agad itong susundan ng mobilisasyon para sa pagpasok ng Sumitomo kapalit ng Maintenance Transition Team (MTT) ng MRT-3 na binuo matapos alisin ng DOTr noong nakaraang taon ang serbisyo ng Busan Universal Rail Incorporated (BURI). | ulat ni Shane Juan