DOTr, ipinaubaya na sa PNP ang pagkastigo sa dalawang pulis na nahuling namamasada ng kolorum na sasakyan

Ipinaubaya na ng Department of Transportation (DOTr) sa Philippine National Police (PNP) ang pagkastigo sa dalawang pulis na nahuling namamasada ng kolorum na sasakyan sa Parañaque at Pasay kamakailan.

Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, parehong aktibo sa serbisyo ang dalawang pulis na sina Police Chief Inspector Juan Saldua Cipriano Jr. ng Southern Police District, at SPO4 Ronnie Arimbuyutan Druja na nakatalaga sa PNP Aviation Security Group, ng mahuli sa Anti-Colorum Operations na isinagawa ng I-ACT o Inter-Agency Council for Traffic.

Nagpahayag ng pagkadismaya si Tugade sa nangyari dahil sa halip na ang mga pulis na dapat ay partner ng ahensiya sa pagpapatupad ng anti-colorum campaign, sila pa raw ang lumalabag.

Mas nairita pa ito ng malaman na nilagyan pa ng sticker ng Office of the President ang mga colorum na sasakyan.

Kaugnay nito, mas patitindihin pa ng DOTr ang kanilang operasyon laban sa mga kolorum na sasakyan at ang kampanya laban sa ‘tanggal bulok, tanggal usok’ para sa kapakanan ng riding public. | via Rey Ferrer