DOTr ASec. Mark Tolentino, ipinasibak sa puwesto dahil sa pakikipag-usap sa presidential sister na may kinalaman sa Mindanao Railway project

Inanunsiyo ngayon ng Palasyo ang pagkakasibak kay Assistant Secretary Mark Tolentino sa Department of Transportation.
 
Sa ikalawang press briefing na ipinatawag ng Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na ang pakikipag-usap sa isang malapit na kamag-anak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naging dahilan ng pagsibak sa dating assistant secretary ng Transportation Department.
Sa Presidential sister, ani Roque, nakipag-usap si Tolentino na may kinalaman sa isang proyekto ng pamahalaan at ito ay ang tungkol sa Mindanao Railway Project.
 
Sinabi ni Roque na ang pakikipag-usap sa kanino mang kamag-anak ng Pangulo na may kinalaman sa appointment o anumang proyekto ng gobyerno ay maaari ng gawing basehan para alisin sa posisyon ang sinumang opisyal ng pamahalaan.
 
September 28, 2017 nang maitalaga si Tolentino sa DOTr na siyang pumalit sa una nang nagbitiw na si dating Spokesperson Cherrie Mercado bilang head ng communications office ng ahensiya. | via Alvin Baltazar