DOT, tiwalang sisigla ang domestic tourism sa Baguio dahil sa Rapid Antigen testing

Naniniwala si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na muling sisigla ang domestic tourism sa lungsod ng Baguio, ngayong sinusubukan ang mas murang antigen testing para sa coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Puyat, suportado ng ahensya ang piloting ng antigen testing para hikayatin ang mga Pilipino na bumiyahe gamit ang mas murang pamamaraan ng pagtukoy ng COVID-19 infection, na may mabilis na resulta.

Tiyak na makikinabang aniya ang mga turistang nais magtungo sa Baguio, ngayong ipinatupad na ang Ridge and Reef Travel Corridor.

Batay sa Inter Agency Task Force (IATF) Resolution Number 73, pinapayagan ang antigen testing kasama ng iba pang COVID-19 testing methods na gagamitin sa local tourists, essential travelers, at authorized persons.

Napili ang Baguio City para sa pilot use ng Rapid Antigen test dahil sa pagiging modelo nito sa contact tracing at pagkontrol sa virus, kung saan gaya ng RT-PCR ay kokolektahin din ang swab samples, ngunit aabutin lamang ng 15 minuto ang paglabas ng resulta.

Dahil sa development ay inaasahan ang pagtaas ng bilang ng magbabakasyon, hindi lamang sa Baguio kung hindi pati na sa ibang panig ng bansa na idineklarang mababa at kontrolado ang bilang ng COVID-19 cases.