DOT, nais na ring buksan sa NCR Plus tourists ang Baguio City

Target ng Department of Tourism (DOT) na buksan na rin sa mga turista mula sa National Capital Region (NCR) Plus ang Baguio City simula sa Hunyo.

Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, maraming negosyo ang apektado sa Baguio na umaasa sa pagbuhos ng turista dahil bawal pang bumisita ang mga taga-Metro Manila at apat na karatig-lalawigan.

Kung papayagan aniya ng Inter-Agency Task Force (IATF) na magtungo sa summer capital ang NCR Plus residents ay tiyak na tataas ang bilang ng mga turista.

Simula sa June 1 ay tatanggap na ng mga bisita ang Baguio at Benguet mula sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).

Bubuksan na sa publiko ang Camp John Hay, Ili-Likha Artist Village, Rose Garden, Burnham Park, Mirador Hill, Haight’s Place, Sakura Park, at Northern Blossoms Farm.

Sinabi ni Puyat na nakasalalay sa local government unit kung hindi na nito oobligahin ang mga turista na sumailalim sa COVID-19 testing bago papasukin sa iba’t ibang destinasyon.

Dagdag pa nito, kung pormal nang pahihintulutan ang pagbubukas sa June 1 ay matutulungan ang mga hotel, restaurant, at tourist spots na makabangon.