DOT, ikinalugod ang konstruksyon ng mobile field hospital sa Maynila

Nakipagkasundo ang Department of Tourism (DOT) sa lokal na pamahalaan ng Maynila para sa konstruksyon ng isang mobile field hospital at drive-thru COVID-19 vaccination site.

Nilagdaan ng National Parks Development Committee at city government ng Manila ang kasunduan para sa pasilidad na itatayo sa Burnham Green sa Rizal Park.

Ang Manila Mega Field Hospital ay magkakaroon ng 336 bed capacity para sa moderate at severe cases ng COVID-19 at maaari pang dagdagan kung kakailanganin.

Kasama sa memorandum of agreement ang konstruksyon ng drive-thru vaccination site na kayang tumanggap ng hanggang 450 indibidwal kada araw.

Inaasahang matatapos sa loob ng dalawang buwan ang mga naturang pasilidad.

Sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na mahalagang i-convert bilang medical facilities ang tourism sites para suportahan ang hakbang ng gobyerno na protektahan ang kalusugan at kaligtasan ng publiko.