DOLE Usec. Joel Maglungsod, pinasisibak ni Pangulong Duterte

Kinumpirma ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go ang nais na pagpapasibak ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Department of Labor and Employment (DOLE) Undersecretary Joel Maglungsod.

Kasunod ng naging talumpati ng Presidente kahapon sa Camp Juan Ponce Sumuroy, Catarman, Samar, sinabi ng Pangulo na pinaaalis niya si Maglungsod.

Hindi naman rektang tinumbok ng Pangulo ang dahilan ng pagpapaalis niya kay Maglungsod, ngunit nabanggit nito ang problema ng patuloy na pagsasagawa ng strike ng mga trabahante na nakakaapekto sa ekonomiya ng bansa.

Ayon kay SAP Go, kanyang tatawagan si Executive Secretary Salvador Medialdea upang masabihan naman si DOLE Secretary Silvestre Bello tungkol sa pasiya ng Punong Ehekutibo kaugnay ng pagpapatanggal kay Maglunsod.

Si Maglungsod ang isa sa mga kilalang makakaliwang lider na napagkalooban ng posisyon sa ilalim ng Duterte administration. | ulat ni Alvin Baltazar