DOLE: Minamadali na ang paggawa ng IRR ng Service Charge Law

Tiniyak mismo ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na minamadali na ng kanyang ahensya ang paggawa ng implementing rules anad tegulations (IRR) ng Republic Act 11360 o ang Service Charge Law.

May siyamnapung araw ang ahensya upang gawin ang IRR, ngunit ayon kay Bello, nais nilang magawa na ang nasabing IRR upang mapakinabangan na ng mga manggagawa ang insentibong ito.

Sa ilalim ng nasabing batas, ang lahat ng nakolektang service charge ng mga hotel, restaurant at iba pang katulad na establisyimento, ay dapat na ibigay sa mga empleyado nito maliban sa mga managerial employees.

Dagdag pa ng kalihim, mas magiging motivated umano ang mga manggagawa sa pagbibigay ng magandang serbisyo kung mabibigyan sila ng maayos na bayad.

Matatanggap ng mga manggagawa ang parte sa kabuuang nakolektang service charge labing limang araw (15) matapos ang publication ng IRR sa mga diyaryo.