DOLE, hiningan ng konkretong plano para mapalakas ang employment sa bansa

Ginisa ng mga senador ang Department of Labor and Employment (DOLE) tungkol sa konkretong plano nito para muling mapalakas ang employment sa bansa sa gitna ng kinakaharap nating COVID19 pandemic.

sa pagdinig ng senado sa 2021 proposed budget ng ahensya, napansin ni Senadora Imee Marcos na tila kulang ang DOLE ng long term at data driven national strategy para tugunan ang pagtaas ng unemployment rate sa Pilipinas.

Ipinunto ni Marcos na ang mga kasalukuyang programa ng DOLE para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho gaya ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP), Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) cash assistance program at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), ay mga pansamantalang tulong lamang.

Sinang-ayunan naman ni Senate Labor Committee Chairperson Senador Joel Villanueva ang puntong ito…

Bilang tugon, sinabi naman ni DOLE Secretary Silvestre Bello III na mayroon namang mga programa ang kanilang ahensya na layong mapanatili ang employment sa panahon ng krisis.

Depensa ni Bello, hindi lamang isang emergency program ang TUPAD dahil sa ilalim ng programa ay mayroong wage subsidy na ibinibigay sa mga employer upang matulungan silang may maipasweldo pa rin sa kanilang mga manggagawa.

Sinabi rin ng DOLE na patuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa NEDA para sa employment recovery program at sa pagtukoy ng mga key employment generator para sa pagtugon sa ‘new normal’ na idinulot nitong pandemya.

Bukod sa P27.5-billion na panukalang pondo para sa DOLE sa susunod na taon, pinaglaanan pa ito ng P7-billion na dagdag na pondo sa ilalim ng bayanihan 1 at P13-billion sa bayanihan 2.